May lait parati sa mga kritiko: mga frustrated artist daw sila. Siguro mga ilang beses ko itong naririnig at nababasa hindi lang dito kundi maging sa mga sulatin at palabas galing sa ibang bansa. May partikularidad itong pasaring na ito syempre sa konteksto ng kapitalistang konsumerismo. Kakabit na kasi ng produksyon ng kulturang popular ang mistisismo dito na dulot ng kasikatan. May kabanalan kung ituring ang mga personalidad sa kulturang popular, lalo na sa popular na musika. Parang bawal laitin, bawal sulatan ng kritisismo.
Dahilan din siguro itong mistisismong ito kaya may ilang yugto sa buhay ko na inisip ko ring maging musikero. Isa ako sa libo-libong kabataan noong dekada 2000s na pinulot ang gitara at inaral sa pagdedelusyon ng pagbubuo ng banda. 2004 siguro yon simula ng isang summer na nanghiram ako ng gitarang sira para aralin ang pagtipa. Tiwala ako non sa kakayahan kong matuto sa puntong naging medyo pabaya ako sa pagaaral ng instrumentong yon simula nang ma-pagtanto ko na alam ko naman pala noon pa ang progreso ng nota, pagbubuo ng mga chords batay sa basic na teoryang musika na natutunan ko sa MAPEH. Syempre tulad ng lahat ng nagsisimula, tinugtog ko lang lahat ng gusto kong tugtugin – mababatid din sa mga alam at inalam kong tugtugin noon ang limitasyon ng uring kinabibilangan ko. Matigas din ang ulo ko, hindi ko inaaral yung ayaw kong aralin kahit alam ko na kaya ko yun.
Nung papasara ang dekada ng Matatag na Republika, gayun din yung pagsasara ng interes ko sa pagtugtog at pagbubuo ng banda. Nag-iba ako ng interes – napaling sa pelikula – sa simula ng panahon ng Tuwid na Daan pero tulad ng mga tumanda sa panahong yon, wala pang kalahati ng panunungkulan ni BS Aquino, alam ko nang dapat ko nang kalimutan yung mga delusyon ko dahil pinamukha nito sa akin na ang mga nagtatagumpay lang mula sa henerasyon ko sa mga pangarap nila ay yung kaya magbayad ng 1000 pesos per unit o mas mataas pa. Dekada talaga ng mga bigong mangangarap ang panahon ng paglipat mula sa Matatag na Republika patungong Tuwid na Daan.
Mula pa noon, ang hindi lang nagbago siguro yung pagsusulat ko. Walang pressure yung pinili kong daan sa panulat at mas nagiging timbangan talaga sya ng disposisyon ko sa isang panahon. Dahil nagsimula akong magsulat labas sa konteksto ng social media at search engine optimization, hindi ko na rin inaral ang mga ito bahagi ng katigasan ng ulo ko.
Kahit nung panahon ng Matatag na Republika, sa gitna ng mga immature kong pakikipagbuno sa mga isyu ng desaparecido, censorship, at katarungan sa mga sulating pang-high school at sa ilang notebook na diary, laging nakatabi ang musika sa pag-sulat. Madalas, aksidente ang paglahok ng musika sa mga sulatin ko. Lalo sa mga diaries ko. Alam ng mga kaklase ko nung high school yon na halos di kumpleto yung mga petsa kung walang lyrics ng kanta – kesyo ako ang nagsulat ng lyrics sa mga pahina o iba kong kaklase. Pwede akong mag sinop ng isang passage:
November 16, 2006
Pinakikinggan ko yung live cut ng Eheads at Yano ng “Esem.” Tungkol sa buhay ng isang window shopper. Pati na rin yung “Future” ng Urbandub saka Dicta License. ~”Spread the word and not the hurt”~ para yan sa MTV Stayin’ Alive. Pati “Golden Boy” ng Ethnic Faces…
Kahapon pala nung nasa bus (context: field trip namen nung November 15), Magic 89.9 yung pinakikinggan. Pop station [pero] ayos yung line up kahapon: Muse – Starlight, My Chemical Romance – Welcome to the black parade (Tuwang tuwa si Sherwin nung narinig), The Darkness – I Believe in the Thing called love, tapos Hilera – Define
…
Narinig ko yung commercial ng NU Rock Awards 2006. Magpeperform dun ang Lokomotiv. Without Basti yata. December 1. Makikinig na lang ako sa radyo. Wala akong pambili ng ticket.
Lumaki ako sa radyo. Kahit na itong panahong itong nanggaling sa diary ko nung high school ay pruweba nito. Radyo yung timbangan ng sikat na awitin kahit ngayon. May kapangyarihan ang radyo na ipilit na iparinig sa iyo yung mga kantang gusto nilang iparinig sa iyo. Kalakhan siguro ng karanasan ko sa musika ay bunga ng mga hindi intensyunal na pakikinig. At dahil hindi intensyunal, pinalilipas lang natin. Nagkakaroon din ng pamimili mula sa kinasasanayan. Natutunan kong maunawaan ang “appeal” nila Engelbert Humperdink, Freddie Aguilar, Paul Anka, Tom Jones, The Carpenters, Abba, at kung sino pang trip ng mga magulang ko dahil na rin sa hilig nila sa pakikinig dito. May mga naging hilig ako sa mga hilig nila na bunga sa pango-ngondisyon na ito. Muli, hindi intensyunal ito.
Sa pangkalahatan ay ganito nga marahil ang karanasan natin sa popular na musika. Napakinggan dito, napakinggan doon, sa sine, sa tv, sa internet. Dahil pandinig lang ang pinapagana para makabihag ng musika ang ating pandama, may mga punto na wala sa ating kontrol ang maranasan ito. Kung narinig mo ang musika sa isang restaurant o mall, wala kang takas dito kahit magtakip ka ng tainga. Hindi tulad ng sine na parating may intensyon (sabi nga ni John Berger, di ba? Ang pagtingin ay intensyunal) at pwede mong ipikit ang mata mo sa mga imaheng ayaw mong makita.
Madaling tumagos sa mundo ang musika dahil na din sa ibang klaseng kontrol na sumasaklaw dito. Gaya ng halimbawa sa byahe ng bus namin noong field trip, mayroon lamang na iisang tao na may kontrol sa sound system ng bus. Totoo, maaari kaming makinig noon sa ibang musika sa mga earphones namin – pero itong klase ng kontrol na ito ay nangangailangan ng ibang klaseng pangangapital noong mga panahong iyon. Ilan ba sa aming magkakaklase non ang may personal na music devices? Maging ang mga cellphone noon ay limitado ang kapasidad sa pagpapatugtog ng musika. Kahit noon pa man, sumasaklaw sa isang pribilihiyadong espasyo ang karanasan sa musika.
Ang pribilehiyong ito ay maaaring generalisado o abstrakto sa konteksto ng ideya ng “kontrol.” Ang isang personal na silid, halimbawa, ay pribilihiyadong espasyo na maaari mong kontrolin kung ano man ang nais mong marinig. Pero itong kontrol na ito ay nagiging relatibo pagbaba mo sa sala – kung may boom box o karaoke o kung anong sound system sa sala, hindi parating ikaw ang pwedeng gumamit nito, lalo kung bunso kang anak.
Maaaninag na rin sa talata sa taas yung partikularidad ng pribilehiyong ito sa kongkretong usapin. Mas lalong mahirap pagbunuan itong pagku-kontrol sa pakikinig kung nabubuhay ka sa bahay na ang dibisyong pribado lamang ay ang palikuran – na ang kalakhan ng bahay ay isang bukas na espasyo gaya ng sa barung-barong o sa kubo. Itong kawalan ng pribadong espasyo ang relatibong natugunan ng mga earphones, headphones, at mga personal music players (mula Walkman hanggang iPod). Lalo sa paglaon ng panahon na mas naging abot-kaya ang mga smartphones, ay tumaas ang potensyal ng personalisado at pribatisadong karanasan sa musika.
Pero nasulusyunan ba ng pribatisasyon ng pagdanas ng musika ang problema ng intensyunalidad sa pakikinig? Hindi pa rin. Marami pa rin tayong naririnig na labas sa ating mga kagustuhan na mula sa pamimilit ng kapital at ng mga kapangyarihang higit sa ating lahat. May mga intensyon pa rin na dumadaig sa ating mga intensyon.
Ang aking panulat sa musika magda-dalawang dekada na ang nakalipas ay hindi malay sa kontradiksyong ito. Maraming sulatin sa musika ang hindi malay sa kontradiksyong ito – na nagpapatali rin sa ilusyon na mayroon silang kontrol sa pakikinig na ito lalo kung ang pakikinig ay para makapagsulat hinggil dito. Tulad ng mga sulatin ko sa musika noon, karamihan ng ganitong ilusyonadong sulatin ay nananatiling deskriptib, na ang pag-re-review ay nagiging pag-ulit lang din ng kung ano ang narinig, pero sa pamamamaraan ng pananalita. Nakaambag sa tendensiyang ito ng panulat hinggil sa popular na musika ang aksidental na kalikasan ng karanasan ng pakikinig. Dahil aksidente ay nananatili sa kung anong nararamdaman noong panahong iyon at nahuhulog sa kung ano-anong paghahambing. Wala namang masama rito. Sa katunayan, binubuksan ng tendensiyang ito ang mga panulat hinggil sa popular na musika sa mas makabuluhang posisyon para sa metakritisismo. Di nga ba’t itong kalikasan ng pakikinig ng musika bilang aksidente ang dahilan kung bakit kadalasa’y liberal at hindi konklusibo ang panulat hinggil sa popular na musika? Bagama’t madalas ang hindi pagbibigay ng punto at pag-sabi ng wala, tila yata nakatungtong ito sa kasiguraduhan na may kamalayan ang pag-danas nila ng musika.
Sa kabilang banda, ang mga manunulat naman ng musika na nagtatangka ng pagbubuo ng punto – konseptwal man o teoretikal – ay hindi naman makabalikwas sa isa pang hulma ng aksidente bilang sintomas. Nakatutulong naman ito sa mas produktibong tunguhin – ang pagbubuo ng kaisipan sa labas ng danas ng musika, o sa ibang hulma, ang paguulit ng karanasang “malalim” sa musika sa ibang konteksto. Pero tulad ng naunang tendensiya sa sinundang talata, hindi rin ito malay sa kalikasan ng pakikinig bilang aksidente.
Sinipi ng teoristang Pranses na si Paul Virilio si Aristotle sa aklat niyang The Original Accident: “ibinubunyag ng aksidente ang diwa.” Kung susundan ang kaisipan ni Virilio, ang kalikasang ito ng pakikinig ng musika bilang aksidente ay malamang partikular lamang sa panahong ito: sa paglaganap ng mga teknolohiyang nagbibigay daan para mangyari ito. Ang radyo ang nagbigay sa atin ng aksidente ng popular na musika; gaya nang paglubog ng barko ay ibinunga ng imbensyon ng barko.
Mahalaga, sa tingin ko, ang pagtanaw na ito sa popular na musika bilang bahagi ng aksidente ng pakikinig sa kabuuan ng panulat hinggil dito. Bagaman hinuhulma ng patong-patong na intensyon ang pagbubuo ng musika, nalilimitahan ng kondisyon ng produksyon ang pag-ikot nito na siyang nagbibigay hulma sa potensyal na mga engkwentro. Hindi parating ako ang nasa intensyon na alayan ng musikang ito – kaya parating sablay ang ideya ng ‘target market’ – pero makakasalubong ko sya kung kelan ko hindi inaaasahan. Sa huli ay hindi mapipigilan ng kung sino mang lumikha ng musikang iyon ang pagkakaroon ng kahulugan non sa akin – at papaloob sya sa pangkalahatang pagtanaw bilang sangkap sa semiotiko ng pang-araw-araw na buhay at kasaysayan: mula sa pagiging frustrated na musikero hanggang sa pagiging committed na kritiko.
Leave a Reply