Peryodismo at ang mga Pagbabago sa mga Eksena ng Popular na Musika

Mahalaga ang gampanin ng peryodismo sa popular na musika. Inilulugar nito yung buong eksena – o “industriya” – ng popular na musika sa kakaibang tuntungan sa labas ng senseysyunalismo ng mga showbiz tabloid. Partikular din sa naging ambag ni Eric Caruncho mismo sa mga sulatin nya sa popular na musika sa pagbibigay ng konteksto at espasyo sa noo’y gigilid ng rock music.

Hindi tulad ng pelikula, sari-sari ang nagiging tuntungan ng pagsusulat hinggil sa popular na musika. Kung malay ka na noong 2000s, hindi na bago non na may mga mumurahing music magazines – mga songhits sa kolokyal na taguri – na hindi lang naglalaman ng mga liriko ng mga bagong awitin, kung suswertehin ka, naglalaman ng mga mainam na babasahin hinggil sa mga bagong musika at musikero. Sa kalakhan din naman, may mga sulatin tungkol sa popular na musika sa mga dyaryo, siya nga lang ay madalang o di kaya ay makukulong sa isa-dalawang artikulo. 

Kung dyaryo ang pag-uusapan, mas malamang ang dyornalistik na attitude sa peryodismo. Bihira ang kritisismo, maging ang reviews ng mga album ay bihira. Sa kaso ng mga sulatin ni Caruncho noong aktibo pa syang nagsusulat, halos sya lang din ang gumagawa ng parehong coverage at reviews. 

Sa pagtungtong ng 2000s, dumami yung babasahin sa popular na musika na naka-sandal sa mala “alternatibong” kulturang tinutukan din noon ni Caruncho sa kanyang peryodismo. Partikular na nakatulong sa mas papalawak at papalalim na coverage ng popular na musika ang Pulp Magazine. Noong una ang magazine na ito ay ekstensyon ng promotion ng Tower Records sa Pilipinas at espesyal na bahagi ng magazine ang mga review ng mga album sa mayabong na kultura ng konsumerismong CD at Cassette noong huling bahagi ng dekada nobenta hanggang dekada 2000s. 

Mas napalalim ng format ng magazine ang coverage ng popular na musika. Ang mga sulatin ay may insight hinggil sa proseso ng pagbubuo, sa ekonomiya ng eksena, at kung ano ano pang nasa pagitan, tagiliran, at pagitan ng popular na musika. Bukod pa ito syempre sa mga interesanteng framing ng mga musikero sa masining na potograpiya na itinatampok bawat isyu. 

Bihira ako makahawak noon ng Pulp, madalas hiram lang sa mga pinsan na may trabaho na. Ang rekurso ko bilang kabataan noong 2000s, ay maghanap ng mas murang alternatibo sa panaka-nakang pagbabasa ng Pulp.

Noong high school ako, naabutan ko na yung RockNation na magazine, kasagsagan din ng mga banda-banda. Bente singko tapos naging Trenta pesos kada isang isyu, di na masama at kayang pag-ipunan sa loob ng isang linggo kung may matitipid sa araw araw na bente pesos na baon. Short-lived yung magazine, isang volume lang yata. Offshoot sya ng PopCorn at LolliPop na parehong magazine ng Tower Publishing sa parehong panahon. 

Tulad ng malalaking magazine, nabigyan ng mga songhits ng tungtungan para sa mas espesyalistang peryodismo para sa popular na musika labas pa sa ginagawa ng mga showbiz magazine na mas yung mga personalidad ang tinututukan imbes na yung trabaho nila. Pinaka naalala ko sa RockNation ay yung isang isyu na may coverage ng Fete dela Musique 2005. Di rin nagtagal yung magazine na yon at lumipat din ako sa mas malapad at mas tradisyunal na Pinoy magazine na may kaparehong range din naman ng coverage sa RockNation.

Para sa’n ba bumibili ng songhits non? Lyrics madalas na may guitar chords. Aksidente na matitisod mo kung may magandang sulatin, edi bonus. Yung RockNation sineryoso naman yung coverage nila. Kagandahan din na may mga review ng mga album. Kung tradisyon lang din talaga ng panulat tungkol sa popular na musika, mas mayabong siguro yung literatura natin kesa sa pelikula na makakabuo ka na ng kontemporaryong kasaysayan mula lang sa mga isyu ng Jingle o Rock N Rythm

Mula sa kultural na pagtingin, malaki ang nagiging epekto ng musika sa hulma ng kulturang popular ng bawat panahon. Sa huling kolum ni Caruncho, minungkahi nya – sa isang pag-amin na ito’y kanyang “modus operandi” – ang paghahanap ng mga nakukubling sulok ng kultural na aktibidad bilang lunduyan ng mga papausbong na kultura. Sa paglalahad ni Caruncho sa kolum na ito, malinaw ang pagturing ng mga pahayagan, lalo ng mga malalaking pahayagan tulad ng Philippine Daily Inquirer, sa hindi pagkukubli sa pagitan ng burgis na “high culture”, kulturang katutubo, at kulturang popular. Limitado ang espasyo ng pahayagan para sa pagbubukod pa nito. Mapapansin sa pag-laon ng mga panulat ni Caruncho, ay nagsulat din sya hinggil sa “high culture” matapos ng ilang dekadang pagsusulat hinggil sa “low culture.”

Ngunit may isa pang nabanggit dito si Caruncho: may interseksyon ang dalawang ito sa musika, sa katauhan ng ilang mga personalidad sa sining biswal / kulturang burgis ngayon na dati’y mga personahe sa eksenang punk at folk tulad nila Elmer Borlongan, Manuel Ocampo, Romeo Lee, at Joey Ayala. Maaari din natin tignan itong interseksyon sa kontemporaryong moda ng produksyon ng musika: tulad ng mga pintor, marami at patuloy na dumarami ang gumagawa ng musika ngayon dahil na rin sa relatibong kadalian ng produksyon sa tulong ng mga makabagong teknolohiya. May mga nakabubuo ng sarili nilang musika sa mga kuwarto nila na sila lamang mag-isa, at maipapakalat nila ito sa mga streaming platform tulad ng mga produksyon ni Noa Mal mula noong 2019. 

Mapapansin din ang bigat ng pagiging magpagpasya ng popular na musika sa mga pagbabago sa kulturang popular kung ang pagbabatayan lamang ay ang pag-iiba ng oryentasyon ng kabataan sa mga nag-daang panahon. Di nga ba ang kalakhan ng makapag-tukoy kung ano ang isang henerasyon matapos ang Generation X ay kung ano ang kinahiligan nitong popular na musika? Ang grunge at alternative rock noong mid-90s, ang papausbong na hip-hop infused na pop music noong late 90s hanggang mid 2000s, emo, metal, at kung ano anong derivative ng rock music noong mid-2000s hanggang sa pagdi-difuse ng mga ito noong 2010s sa paglamlam ng mga antagonismo sa mga nabanggit na eksena at ang paglago ng interseksyon ng mga impluwensya ng bawat isa. Gayun din na mas madaling makita ang pangkabuuang anyo ng kabataang kultura ngayon sa kung anong popular na musika ang nauuso – sa kaso ngayon, ang pagbabalik at lalong mas pagpapayabong ng hip-hop influenced pop music (dahil na rin sa impluwensya ng K-POP at makabagong American Pop) at ang mas lumalawak na eksena ng hip hop na may sarili nang pagbubukod ng mainstream at underground. 

Sa malawakang konteksto, ang pagbubukod ng mga musikero sa labas ng konteksto ng sentralisadong “industriya” ay paunti-unting bumukadkad mula pa noong gitnang bahagi ng dekada 2000s, sa pag-usbong ng maraming mga independent artists, pero nakadepende pa rin sila noon sa airtime sa radyo para magkaroon ng mas makabuluhang distribusyon.

May ilang daan ang nasubukan ng mga independent na musikero noong 2000s para matugunan ang problema ng distribusyon. Noong mga panahong ito, nakatulong ang mga radio station tulad ng DWNU 107 at JAM 88.3 sa pagtampok ng mga independent na recording ng mga tumutugtog ng rock music at iba pang derivative nito. Sa papausbong naman na bagong eksena ng hip hop, naging lunduyan ng alternatibong distribusyon ang ilang mga libreng streaming sites tulad ng Youtube bukod pa sa pamimigay mismo ng mga hip hop artists ng kanilang mga musika sa mga pampasaherong jeep para mapakinggan ito ng mga tao. 

Nakadugtong sa pag-yabong ng teknolohiya ng internet ang naging kapalaran ng distribusyong ito. Sa huli ay mas nanaig ang nanamili ng noo’y alternatibong mga distribusyon. Naging limitado ang lunduyan ng rock music sa pag-sasara ng NU107 noong 2011, at ang kalakhan ng mga istasyon sa radyo magpasa-hanggang ngayon ay kapit sa leeg ng malalaki at imperyalistang recording companies. 

Sa kontekstong ito, yumabong lalo ang mga tumatangkilik sa daang pinili ng mga hip hop artists, partikular sa malawakan at libreng distribusyon ng musika sa internet na maging ang mga musikero sa ibang genre ay pinili na rin ito. Kaakibat naman nitong pagyabong ng popular na musika sa internet ay ang malaking hamon sa paglulunsad ng makabuluhang coverage nito para sa mga peryodista. 

Nabaligtad ng internet ang praktika ng panulat sa popular na musika. Ang pagyabong ng produksyon ng mga musikero ay sinabayan ng up-to-the-minute na reaksyon, noong una, sa mga blog (gaya ng Hang the DJ) at sa mga social media pages (gaya ng The Flying Lugaw na nagkaroon na rin ng sarili nilang blog/website di naglaon). Pero inaanak ng bilis sa pag-rereview ang pag-iwan naman sa praktika ng pag-guguhit sa mga bakas ng kultura. Nagkaron ng normalidad ng pagbalikwas sa mapanlahat na kumpas sa kultura, hindi dahil sa kawalan ng tiwala sa kaisipan na hindi ito matatanto, o sa pagtanaw na wala namang malawakang burador na dapat matukoy (sa postmodernong ugali, ayon kay Lyotard), kundi dahil ang bilis ng produksyon ay gayon ding nakapagbabago sa bilis ng kulturang susubukan pa lamang na unawain. 

Ngunit maaaari ding tignan na ang praktika ng pagbabakas ng kultura sa modus operandi ni Caruncho ay sintomas lang din ng ‘conceit’ ng institusyon ng pahayagan sa pagmumuestra ng kung ano ang kultura at kultural. Samantalang ang kabuwayan ng panulat sa internet naman ay sintomas lang din ng posisyon nito sa labas ng lihimitasyon ng institusyonalisadong pamamahayag. Gayon pa man, ang parehong tendensiya ng panulat ay nakatungtong na sa espasyo sa labas ng senseysyunalismo at tinuturing ang musikero sa kalakhan bilang artisano. 

Ano sa ngayon ang implikasyon nito? Sa kasalukuyan, limitado ang kabuluhan ng panulat hinggil sa popular na musika sa estetika at penomenolohiya. Bagama’t maaari rin silang ituring na dokumentong istorikal, ang aktibong pag-waksi ng kontemporaryong panulat sa kondisyon ng paggawa at kontekstong pangkasaysayan ng mga produkto ng popular na musika ay pumipigil dito na maging makabuluhan din sa malawakang pagtingin sa kasaysayan. Ito rin ay bunga sa pag-trato sa musikero bilang artisano – isang atrasadong kategorya ng manggagawa na kung ihahapag mo sa kasalukuyan, ay wari’y hiwalay sa kasaysayan niya at nag-aambag lamang sa burgis na pagtingin sa kultura. Dito naman nagkakaroon ng kabuluhan ang pagpihit mismo ng ilang mga musikero sa pag-hanay sa kanila sa uring manggagawa – kahit man lang sa precariat na kategorya nito. 

Ang pag-pihit ng coverage ng panulat hinggil sa popular na musika na pinipilit na habulin ang bilis ng pag-gawa ng mga musikero, na nagbibigay pribilehiyo at priority sa reviews imbes na sa kritisismo ay mahalagang hakbang sa pagtulak ng konteksto ng musikero mula sa pagiging artisano patungong manggagawa.  Kailangan lang na hulihin at itulak ang pagkakataong ito sa patuloy na pagturing sa mga produkto bilang komoditi / kalakal sa konteksto ng kasalukuyang kondisyon. Kung sa pananaw ni Caruncho na ang mga pintor na ang makabagong rockstar (sa parehong konteksto ng pintor bilang mangangambag sa burgis na kultura), marahil hindi na rin nakatutulong sa pag-unawa sa kasalukuyan ang imahen ng musikero bilang bituin, ano man ang estado ng kasikatan nito. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *